Nagsusulong ng matibay na hakbang ang Barangay Holy Spirit sa Quezon City upang tugunan ang kamakailang pagkalat ng karahasan dulot ng sikat na laro sa kalye ng mga bata, ang lato-lato. Matapos ang isang viral na video na nagpapakita ng isang sigalot sa pagitan ng mga batang naglalaro ng lato-lato, nais ng punong barangay na si Lydia Ballesteros na ipagbawal ang laro na ito sa kanilang barangay.

Noong nakaraang Sabado, nasaksihan ang mga bata na naglalaro ng lato-lato, na nauwi sa pagtulak ng isang bata na nasa sa kabila ng daan. Ang pangyayari ay agad na lumala at nauwi sa rambol, kung saan nadamay ang iba pang mga bata. Nagtadyakan, nagsuntukan, at gumamit pa ng lato-lato bilang sandata.

Nangangamba si Punong Barangay Ballesteros sa pangyayaring ito, lalo na’t sangkot ang maraming bata. “Lubhang nag-aalala ako. Isipin mo, ilang batang nadamay sa insidente na ito? Bago pa man dumating ang mga pulis at Barangay Public Safety Officers (BPSO), tapos na ang lahat,” pahayag niya.

Ayon sa lolo ng batang unang nanugod, “Noong una pa lang sinisiko na siya, di siya kumikibo…mayroon siyang narinig …na parang nadamay yung pangalan ng nanay niya. Napikon siya. Sinugod niya,”

Bagamat sinasabi ng barangay na walang malubhang pinsala ang naitala, hangad ni Punong Barangay Ballesteros na maiwasan ang anumang kaparehong insidente sa hinaharap. Plano niyang kausapin ang mga magulang at paaralan, upang talakayin ang posibleng ipagbawal ang laro ng lato-lato sa loob ng barangay.

“Hinahamon namin ang mga magulang na huwag bigyan ng pera ang kanilang mga anak para maka- bili ng lato-lato. Magkakaroon din kami ng konsultasyon kasama ang BPSO upang palakasin ang pagbabantay at pagpapatupad ng patakaran, at kumpiskahin na lang ang mga ito ng mga BPSO” pahayag ni Ballesteros.

Instagram