Naging sentro ng atensyon ng mga netizens ang isang nakakaantig na eksena sa seremonya ng pagtatapos sa isang kolehiyo sa Negros Occidental. Isang emosyonal na tagpo ang naganap sa pagitan ng isang ina at anak habang ito ay umakyat sa entablado nang “nakayapak” dahil sa ginawang pagbigay ng anak sa kanyang sapatos sa kanyang ina.
Habang patungo na sa entablado ang mag-aaral na si Anne Rose B. Quinto, na kumuha ng kursong Bachelor of Secondary Education Mathematics, kasama ang kanyang ina na si Girlie, nang biglang nasira ang suot nitong sapatos.
Sa viral na video ng The Courier-BCC, makikita na inalis ni Anne Rose ang kanyang sapatos at ipinahiram ito sa kanyang ina. Dahilan kung bakit si Anne Rose ay umakyat sa entablado nang nakayapak, ngunit puno ng saya at pagmamalaki dahil kasama niya ang kanyang ina.
Naganap ito sa seremonya ng Investiture of Hoods bilang bahagi ng pagtatapos sa praktikum ng Kagawaran ng Edukasyon sa Bago City College na ginanap sa Manuel Y. Torres Memorial Coliseum and Cultural Center.
Ayon kay Anne Rose, nais lamang niya na mag bigay ng tagumpay para sa kanyang ina at kaniyang pamilya at ma-experience ng ina na umakyat ng entablado
Sabi pa ni Anne Rose “Siya po yung naging paa ko sa tuwing hirap na po ako maglakad, sa struggles ko po sa school. Kaya kahapon po yung nangyari, through that shoes ako ang naging paa niya patungo sa rurok ng tagumpay,”
Si Anne Rose ay ika-anim sa walong magkakapatid. Ang kanyang ina ay isang housewife, samantalang ang kanyang ama ay nagtitinda ng isda.
“Mahal na mahal kita, mama. Ito ay para sa iyo, para sa ating pamilya,” dagdag pa niya.