Napasigaw sa tuwa ang isang estudyante sa Santa, Ilocos Sur matapos manalo ng house and lot sa covid raffle.
Ang 22-anyos na si Romulo Corpuz kasi ang maswerteng winner ng bahay at lupa na ipina-raffle sa mga mahihirap na pamilyang nagpabakuna kontra COVID-19 sa nabanggit na bayan.
“Nagsigaw-sigaw po ako kasi blessing na iyon,” sey ng binata na nasa isang grocery store raw nang matanggap ang balita.
“’Tapos tumawag yung security. ‘Tapos tinanong niya kung ano yung sinisigaw ko. ‘Tapos sinabi ko na nanalo ako ng house and lot,” aniya sa panayam ng GMA Regional TV Balitang Amianan.
Naiyak din ang ina ni Romulo na Mildred Corpuz dahil sa napanalunan ng anak, “Blessing na blessing sa Christmas na ito, kasi yung anak ko nanalo sa house and lot.”
Nakatira lang kasi ngayon ang pamilya nila sa housing program ng kanilang LGU.
Ang bahay at lupa na napanalunan ni Romulo ay personal na pagmamay-ari ni Santa Mayor Jesus Bueno Jr. na ginawa niyang prempyo sa covid raffle para hikayatin ang mga residente na magpabakuna laban sa nakamamatay na sakit.
Ang pa-raffle ay pormal na inanunsyo sa Facebook page ng Santa LGU noong Hunyo at ginanap naman ang raffle nitong nakaraang Disyembre.
Ayon sa alkalde, mapapasakamay na ni Romulo ang deed of donation ngayong Enero.
Photo Courtesy: GMA Regional TV