Aminado si Kapuso Queen Marian Rivera na parang lumutang pa siya sa cloud nine kaya wala siyang oras para sa kanyang mga bashers na kumukuwestiyon sa pagpili sa kanya bilang isa sa mga Miss Universe judge.

“Para sa akin, minsan lang kasi mabigyan ang isang tao ng ganito kahalagang gagampanan sa Miss U, na kunsaan ay napakahalagang okasyon na magsasama-sama ang lahat. Para sa akin, isang malaking karangalan ito,” saad ng aktres.

Pero tila hindi masaya ang ilang mga netizens dito dahil ilan sa kanila ay nagpaulan ng mga kritisismo sa umano’y kahinaan ni Marian sa pagsasalita ng English.

Sa kabila naman nito ay dedma lang ang aktres, aniya, “Ang hirap kasing sabihin na, nando’n ako, okey… hindi naman kasi lahat ng tao mapi-please mo. Kahit anong gawin mo, may masasabi at masasabi.”

“Kung may masasabi, parang hindi ko ’yun iintindihin. Artista ako, alam ko… never ako, kahit saan kayo maghalungkat ng interviews ko, never akong pumatol sa kahit ano… Wala akong time, sorry ha,” aniya pa.

Nais rin iparating ni Marian sa mga nag-aabang sa pagsasalita niya ng English lalo na sa Question and Answer portion.

“Aaminin ko na hindi naman talaga English ang first language ko kung hindi Filipino. At kinuha nila ako dahil sa aking body of work bilang isang Filipina. Ang masasabi ko lang kilala niyo naman ako. Hindi naman ako mapagpanggap, di ba? So, ie-express ko ang sarili ko na naaayon sa nararamdaman ko sa araw na yan,” saad niya.

Masaya rin siya sa buong suportang natatanggap mula sa kanyang mister na si Dingdong Dantes,“Sobrang supportive ng asawa ko.”

Saad raw ni Dingdong nang ipaabot niya dito ang magandang balita, ‘Wow, nakaka-proud naman! You have to go there!’”

Instagram