NAGBABALA si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno laban sa mga netizens na nang-aakusa kay Kris Aquino na ginagamit nito ang mga alahas ni dating First Lady Imelda Marcos.

Maaari raw na maharap sa isang criminal case ang mga ito kung patuloy na mang-aakusa ng walang ebidensya batay sa Facebook post ni Sereno nitong Nobyembre 27.

“Criminal case na po ang maaaring harapin niyo sa pagbibintang na ginamit ni Kris Aquino ang alahas ni Imelda na ayon sa Supreme Court ay galing sa NAKAW NA YAMAN. Bangko Sentral ng Pilipinas at PCGG na po ang nagsabing imposible ito,” aniya.

Kukunan daw nila ng screenshots ang lahat ng komentong ganito at ipapadala sa mga nabanggit na ahensya.

“Simula ngayon, kukuhanan na namin ng screenshots ang lahat ng magko-comment ng ganito, pati ang profile details niyo, at ipadadala sa Bangko Sentral, sa PCGG, at sa sinisiraan n’yong tao.

“Dalawang government institutions po at isang individual ang sinisiraan n’yo. Paano po n’yo sinisiraan ang PCGG at Bangko Sentral?

“Sa ilalim ng batas, hindi nila maaaring galawin at ipagamit sa maling paraan ang mga assets na ipinagkatiwala sa kanila, gaya ng mga alahas na nasamsam na ill-gotten wealth.

“In effect, inaakusahan n’yo ang PCGG at Bangko Sentral ng paglabag sa batas.

‘Dati po ay dinadaan lang natin sa paliwanag na walang basehan ang akusasyon nila kay Kris Aquino, Bangko Sentral ng Pilipinas, at sa PCGG.

“Ngunit hindi po tumitigil ang ganitong mga masasamang bintang at krimen po iyan. Kaya’t iipunin na po namin ang mga screenshots ng ganitong mga comments at ipadadala sa kinauukulan.

“Nasosobrahan na po ang pagiging kriminal ng mga gawain n’yo.”

https://www.facebook.com/meiloupasereno/posts/331403552130366

Matagal nang itinanggi ni Kris sa pamamagitan ng kanyang Instagram na binili niya ang kwintas mula sa isang Italian jewelry brand na Bottega Veneta mula sa kanyang pinaghirapang pera.

Siniguro na rin ng PCGG noong 2015 na secured ang mga koleksyon ng alahas ni Marcos at imposible itong manakaw mula sa kanila.

Instagram