Inamin ng ina ni presidential candidate at incumbent Senator Manny Pacquiao na si Dionisia Pacquiao na nag-aalala siya sa pagtakbo ng anak sa May 2022 polls.

Isa si Mommy D sa mga nagsalita sa proclamation rally ni Senator Manny sa General Santos at sinabi niya na hindi naging madali para sa kanya na tanggapin ang pagpasok sa pulitika ng kanyang anak.

Photo Courtesy: Manny Pacquiao/Facebook

Kuwento ni Mommy D, napaiyak siya sa unang beses na pagtakbo ni Manny sa Gensan dahil sa ilang sako ng pera na naubos nito.

“Itong pagtakbo niya dati bilang congressman, unang beses siyang tumakbo dito sa GenSan, umiiyak ako kasi nakikita ko, ilang sako ng pera, naubos talaga,” chika ni Mommy Pacquiao.

Talagang tutol siya sa pagtakbo ng anak noon pero sabi nito sa kanya, “Hindi lang kayo ang aking mahal. Sa aking pagboboksing hindi lang dapat tayo ang makinabang sa aking lakas, ibigay din natin sa kapwa natin Pilipino nga walang-wala sa buhay.”

Chika pa niya, maging ang mga kaibigan niya ay nag-aalala rin na baka maubos ang pera sa pamumodmod nito.

“Laging namimigay ng pera, may tumawag sa akin galing sa ibang lugar, ‘Mommy ang anak mo laging namumudmod ng pera, baka maubos yan.’ Sabi ko, ‘Meron namang Diyos na magbibigay sa kanya ng pera,” sey pa niya.

Pabiro pa nitong sinabi na kung dati’y sako-sako ang nawalang pera sa kandidatura, ngayong pagiging presidente na ng Pilipinas ang tinatakbuhan nitong posisyon, baka mas malaki pa sa mga bariles ng tuna sa Gensan ang dami ng maubos na pera.

“Tapos ito presidente na, sabi ko ‘Manny, iba na talaga to kasi buong bansa na, mas malaki pa sa bariles ng GenSan!”

Natawa na lamang si Senator Manny sa mga nasabi ng kanyang ina.

Pero siniguro rin ni Mommy D ang publiko na hindi magnanakaw ang kanyang anak dahil tinuruan niya itong huwag makikialam kahit piso.

“Totoong matatakutin. Hindi magnanakaw ang aking anak. Tinuruan ko syang wag makialam kahit piso,”  saad pa ni Mommy D.

Si Sen. Manny Pacquiao ang standard-bearer ng political party na PROMDI sa Election 2022.

Instagram