Kusang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang aktor na si Enchong Dee nitong Lunes ng hapon, Enero 31.
Kaugnay ito sa inilabas na warrant of arrest sa P1 billion-cyber libel case na isinampa laban sa kanya ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER) Rep. Claudine Bautista-Lim noong Agosto, 2021.
Kinumpirma ni NBI National Capital Region Director Emeterio Dongallo na lumutang nga sa kanilang tanggapan si Enchong at ang abogado nito.
Pero agad namang pinalaya ang aktor nang makapaglagak ng P48,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
“He posted bail and was released late evening after he was processed and his bail has been approved,’’ saad ni Dongallo.
Magugunitang hindi nai-serve ang warrant of arrest kay Enchong dahil hindi ito mahagilap ng mga otoridad nang puntahan sa bahay nito sa Cubao, Quezon City dahil ayon sa mga taga roon ay paupahan lamang ang nasabing gusali at hindi naman talaga doon nakatira ang aktor.
Kamakailan lang ay pinayuhan rin ang aktor ng showbiz columnist na si Cristy Fermin na mag-voluntary surrender na at maglagak ng piyansa.
Kung matatandaan, sinampahan ng P1 billion cyber libel case si Enchong dahil umano sa malisyoso at mapanirang mga komento at post nito sa Twitter ukol sa marangyang kasal ni Rep. Claudine Diana Bautista-Lim sa negosyanteng si Jose French Lim noong nakaraang taon.
Tweet ni Enchong: “The money for commuters and drivers went to her wedding. Let’s not prolong this conversation and don’t say otherwise.”
Humingi ng paumanhin ang aktor kay Bautista-Lim via Twitter at inaming “reckless” ang tweet niya pero hindi ito tinanggap ng kongresista.