Tumitindi na naman ang hilig ng mga Pinoy sa panonood ng TV dahil sa mga bagong kaganapan sa mga palabas tuwing tanghali.
Tinatanong ng mga tao kung alin sa tatlong noontime shows ang mas pinanood ng mga Pilipino.
Ayon sa Nielsen Philippines Nationwide Urban TV Audience Measurement (NUTAM), maliwanag na nanguna ang “EAT” sa tatlong noontime show sa TV rating noong Sabado, July 1, na nakakuha ng 8.4 percent rating.
Marami ang nag-abang sa pagbabalik ng TVJ sa E.A.T. dahil sa kanilang matagal pag kawala sa telebisyon matapos silang umalis sa TAPE noong May 31. Kaya’t marami ang tuwang-tuwa na muli na silang mapapanood.
Bukod dito, ginawa rin ng pamunuan ng TV5 ang lahat ng paraan upang maging madali ang access ng mga manonood sa E.A.T. Mula July 1 hanggang 8, libre para sa lahat ng subscriber ng TV5 ang TV5 Standard Definition (SD) Channel 5, sa pamamagitan ng digital satellite television, kahit may load o wala.
Sa ikalawang puwesto naman umangat ang It’s Showtime na umabot sa 4 percent combined rating mula sa airing nito sa GTV, A2Z, Kapamilya Channel, at Jeepney TV. Samantala, sa ikatlong puwesto ay ang Eat Bulaga! ng 2.6 percent rating.
Hindi sakop ng Nielsen Philippines ang online views ng tatlong noontime shows, inaasahan na mas marami ang nanonood online kaysa sa telebisyon. Kaya’t hindi pa rin masasabi kung alin sa tatlong programa ang pinakasubaybayan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.