Priceless Smile | Naantig ang puso ng netizens matapos mapanood sa social media ang video ng isang palaboy na pinasakay ng isang binata sa kaniyang kotse sa Roxas City.
“Yes indi tanan makapasakay sa iya. Oo, napataw-an ta siya. But look at that happiness on her face, it’s priceless. Nice one bro!“ pahayag ng uploader na si Jason Ebio sa kaniyang Facebook post.
Ayon kay Jason, ang lalaki sa video ay si Frixie Lopez na barkada niya rin mismo.
Aniya, ni-send ni Frixie ang video sa kanilang group chat at napag-tripan niya umanong i-edit.
Sa panayam naman ng Radyo Todo sa 23 years old na business man na si Frixie Lopez, sinabi nitong matagal niya nang nakilala ang palaboy na kinilala bilang si Ruby.
“Isang beses dumaan sya (Ruby) sa bahay namin, humingi siya ng pera at pagkain. Nakita niya ang gripo sa may garahe namin, tapos tinanong niya ako kung pwede ba daw sya maligo doon. Sabi namin oo naman, binigyan namin siya ng sabon, shampoo, mga damit, pagkain at pera.”
“Simula noon, madalas na siyang pumupunta, naliligo at nanghihingi ng pagkain….binibigyan naman po namin,” saad ni Frixie.
Kwento pa ng binata, kilala ng karamihan sa Roxas City si Ruby sa pagiging masiyahin habang kumakanta nang malakas sa daan.
Ayon pa sa kaniya, homeless o palaboy umano si Ruby na may kapansanan sa pag-iisip.
“Nanghihingi siya ng pagkain, at nanlilimos.”
Kwento pa ni Frixie, matagal din niyang hindi nakita si Ruby hanggang sa isang araw, habang nasa trabaho siya — nag pa-park ng sasakyan, nakita siya ng ginang at lumapit ito sa kanya at sinabing:
“Doy Doy, hidlaw-hidlaw na ‘ko simo. Yanda ta na lang ka nakita. Ka gwapo simo yanda Doy ba.”
Saka tinanong siya ng binata kung saan siya pupunta, “tinuro niya lang. Kaya sabi ko, tara isasabay na kita kung saan ka papunta.”
Habang nasa sasakyan nag-request umano ang ginang na mag-pa-music.
“Bakas sa mukha ng isang tao ang labis na pagkasaya at experience na umupo sa malambot at malamig na lugar. And I know na walang may mag dare na ipasakay siya dahil sa walang ligo, may mental disorder at baka may Covid virus pa. Pero yung inisip ko na lang that time is kung paano ko siya papasayahin. Tao din po kasi sila, nasasaktan at may pakiramdam din.”
“Kumuha ako ng video at nag picture kami para may remembrance kaming dalawa.”
“Hanggang sa binaba ko na siya sa may convenience store at dumiretso na ako at nag trabaho. Labis na nag pasalamat si Ruby bago sya bumaba ng sasakyan habang nakangiti,” kwento ng binata.
Ayon pa kay Frixie hindi niya akalaing mag viral yung video.
“Di ko alam bakit nag viral yung video. Hindi ko gustong e-post kasi mahiyain ako. Then dumating sa point na biniro ko yung mga kaibigan ko, sabi ko sa GC namin may girlfriend na ako…Nagulat sila at sabi nila ‘sino? At kailan pa?’”.
“Sinend ko ang picture namin ni Ruby sa GC.”
“And then yun si Jason ang nagsabi na i-popost nya daw. Sabi ko pa sa kanya huwag, nahihiya ako. Pinilit nya ako. Pumayag ako sa isang kondisyon na huwag niya akong i-tag. Kasi di naman ako madaling makikilala kasi naka facemask ako that time.”
Para kay Frixie, masaya siyang makapagbigay ng kunting kasiyahan sa ibang tao kahit sa simpleng bagay.
“Deep inside masaya talaga ako. Priceless. Masaya ako na makita si ate Ruby na masaya. Dahil sa kahit ganung bagay lang, may mga tao na mababaw lang ang kaligayahan, na abot langit ang kasiyahan,” wika ng binata.
Nagbigay naman ng paalala si Jason sa kaniyang Facebook post kaugnay sa mga palaboy, “homeless people are not the problem. They are the result of the problem.”
“Being homeless doesn’t mean you don’t deserve to be treated like a friend,” saad nito.